Mary Dianne: BALIW KA BA?
May tanong ako baliw ka ba?
Ako? Hindi ako baliw. Hindi ako baliw, may buhay nga akong masaya, kuntento at marangya
Baliw ka ba?
Hindi ako baliw. Pero sa gitna ng alas tres ng umaga ang mga mata koy dilat pa
At sa gitna ng dilim, may mga nakangiting anino pa sa kisame akong nakikita
Pero hindi ako baliw, kahit pa sa gitna ng katahimikan ng apat na sulok ng aking kwarto akoy nakaupo at nakatutulala
Nakikinig lang sa ungol at nakakangilong iyak ng kung ano man sa ilalim ng aking kama
May tumatawa pa nga sa labas ng mataas kong bintana at kahit pa may kumakatok at nagdadabog sa loob ng aking aparador
Hindi pa rin ako baliw
May iniisip lang ako, may laman ang aking isip, may bigat ang aking puso at may bumubulong sa tenga ko
Hiwain mo nga yung pulso mo!
Sabi nung bulong, sugatan mo lang ng malalim na dugo gamit ang matalim na kutsilyo?
Isa lang! Isa lang, isa lang! At kapag may nagtanong sabihin mo, wala gasgas lang, wala pusa lang
Magsinungaling ka, sa kaibigan mo sa pamilya mo, sa mga tao sa paligid mo, sabihin mo ayos ka lang
Hindi ka baliw,
Tapos tumayo ka, humarap ka sa salamin, tignan mo yung sarili mo, ngumiti ka naman sa salamin ng may ngumiti naman sayo
Bago ka umiyak, bago ka lumuha, tsaka ka sumigaw at kapag may nagtanong, sabihin mo, “wala masamang panaginip lang.”
Bagamat hindi siya basta sugat lang, luha lang o masamang panaginip lang sabihin mo ayos ka lang
Dahil walang makakaintindi sayo kundi yung mga aninong nasa madilim mong kwarto
Dahil ang mga aninong yon, na natatakot, nagwawala at umiiyak sa dilim ay ikaw rin,
Ang mga halimaw at multo na nagtatago sa ilalim ng kama mo ay ikaw rin at ang tunay na kalaban ay ang sarili mo, ay ang sarili ko!
Pero hindi ako baliw, nakikita ko lang ang kagandahan sa lubid na nakasabit sa kisame at sa pag asang masisilayan pag nakasuot na ito sa aking leeg
Hindi ako baliw, isa lang akong kaluluwang naliligaw sa mundong puno ng kalupitan
Hindi ako baliw, may hinahanap lang ako, pero di ko alam kung ano.Dahil may nawawala.
At ang nawawala ay ang sarili ko at ang lugar kung saan ko ito matatagpuan.
Ma natatakot ako! saan? hindi ko alam
Kaibigan, natatakot ako! saan? hindi ko alam!
Pero gusto kong may makapansin, gusto kong may makarinig ng aking iyak at saklolo sa kabila ng aking katahimikan
May makakita ng sakit sa kabila ng pagputol ng aking buhok at kung anong dahilan
May makabasa ng bawat salita ng aking bawat tula at ang nakakalungkot nitong laman
Gusto kong may makapansin na pagod na ako mula sa aking pinakakaluluwa hanggang sa bawat kalamnan ng aking katawan.
Dahil hindi ako baliw
Hindi ako baliw na makikita mong tumatawa sa isang sulok mag isa pero makikita umiiyak ng walang kasama
Hindi ako baliw na makikitang bumubulong at nakangiti sa gilid pero makikita mo kong humahagulgol ng walang karamay at nag iisa
Hindi ako baliw, gusto ko lang na may tumulong at makaunawa, gusto ko lang ng kasama
Hindi ako baliw, Nasasaktan lang ako nasasaktan ako! nasasaktan ako!
nasasaktan ako, sasaktan mo pa ba?
Baliw ka ba?